VIPs sa SONA ni PGMA
Makulay, magarbo, wari’y isang piyesta at Santa Krusan. Noong ika-24 ng Hulyo ng taong kasalukuyan, nabalot ng palamuti ang Batasang Pambansa. Nagmistulang isang malaking entablado ang bulwagan ng mga mambabatas kung saan rumampa ang mga senador, konggresista, mga pulitiko at kani-kanilang asawa, at sinamahan pa ni Manny Pacquiao. Isa itong malaking palabas, parang fashion show ng mga trahe de boda at barong.
Isang malaking entablado, at ang tilon – ang bandila ng Pilipinas. Pumasok na ang bida, magarang pula ang suot na kitang kita kahit saang anggulo. BOGG!! Isang hudyat ng panimula ng palabas. Sumunod ang pagpupugay sa bandila at isang panalangin. At sa wakas, dumating na ang pinakahihintay ng mga bisita sa bulwagan, maging ng mga nasa kalsada, at kani-kanilang tahanan.
Dumating na ang takdang panahon, at wika nga ni House Speaker Jose de Venecia, “the real time has come.” Nagsimulang magpasalamat ang bida, nagbida at ibinida ang ilang panauhing pandangal sa bulwagan. Nagsimula siyang magtawag ng mga tumataginting na mga pangalan.
Una ay ang mag-lolong Ifugao – Ama Balunggat at Jacob na nabigyan daw ng titulo ng lupa sa Mt. Data. Mga ordinaryong tao, mga katutubo, istratehiya ng bida. Sumunod ang mga naglalakihang mga pangalan --- Maurice Domogan, Romeo Brawner, Presidente Fidel V. Ramos, Gov. Vic Gato, Army Commander Romy Tolentino, Sonny Belmonte, Lito Atienza, Jovito Palparan, Gwen Garcia, Rico Aumentado, Gen. Johnny Gomez, Rosette Lerias, Oging Mercado, Gen. Ben Dolorfino, Rudy Duterte, at Majority Leader Boy Nograles. Pawang mga bida para sa bida. Hindi pa nakuntento, may tinawag pang nagngangalang Lyn – isang ordinaryong nakapagtapos ng kolehiyo na nagpasalamat sa mga call centers dahil hindi na niya kailangang iwan ang pamilya at umalis ng bansa – istilo at istratehiya ng bida.
Sumunod pang tawagin ang mga nakaakyat sa Mt. Everest, mga nanalo sa Southeast Asian Games, nakilahok at nagwagi sa international beauty pageants, at ang bida sa lahat, ang people’s champ. At siyempre, hindi mawawala ang taong bayan na pinag-alayan niya ng “taus-pusong” pasasalamat.
Ito ang istratehiya ng bida, taliwas sa una niyang sinabi – “I am not here to talk about politics…” Puro pulitika ang naganap. Isang palabas na pinagbidahan ng pulitikal na pinuno para sa pulitikal na tagapagmasid. Pulitika, parang hanging bumabalot sa lahat. Pulitika sa mukha ng mga katutubo, pulitika sa mukha ng mga OFW, pulitika sa mukha ni Manny Pacquiao.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home