penprowess

This blog will speak of the different faces of Journalism. There will be commentaries on issues concerning public interest such as the latest news on local and nat'l politics and criticisms on how they are delivered to the public. There will also be feature posts on Baguio-based reporters to help "on-line goers" especially those from Baguio City, be familiarized with them. As much as possible, local issues will be given weight to in this blog.

28 August 2006

Ito ang Katotohanan...


Ang Pilipinas ay isang hulma ng lupa na napaliligiran ng tubig. Mayroon din itong mayayamang lupa dahil sa klimang tropikal dito. Sa mga kondisyong ito, pangingisda at pagsasaka ang mga pangunahing “komersyo” dito. Ang mga mangingisda natin ay buong tapang na sinusuong ang panganib na dulot ng kalawakan ng karagatan. Sa bawat pagpalaot ay hindi alintana ang walang kasiguraduhang pagbalik ng buhay sa kani-kanilang pamilya. Ang mga magsasaka naman ay buong sipag na binabata ang init ng araw at sakit ng katawan sa bawat pagyuko at pagbanat ng buto para lamang makarami ng maitanim at maani. Ngunit, ang mapait na katotohanan, hindi maipatikim man lamang ng mga mangingisda at magsasakang ito ang kanilang mga pinaghirapan. Ang banye-banyerang isda ay hindi man lamang makaabot sa bibig ng mga naghihintay na anak ng mga mangingisda. Ang masusustansyang gulay na inaani ng mga magsasaka ay hindi man lamang mailuto at maihapag ng mga ina sa kanilang mga nangangayayat na mga anak. Ito ang katotohanan… KAHIRAPAN...

Noong ika-27 ng Agosto ng taong kasalukuyan, nagsagawa ang Gawad Kalinga Benguet Chapter ng isang Docu-Fest sa Bulawagang Juan Luna ng Unibersidad ng Pilipinas Baguio. Limang dokumentasyon ng programang I-Witness ng GMA-7 ang ipinalabas na bukas sa para lahat ng mga estudyante. Ang limang dokumentasyong ito ay sumasalamin sa kahirapan ng buong Pilipinas. Pawang ang mga dokumentasyong ito ay may kurot sa aking puso at tila napaisip ako na napakaswerte ko dahil nakakain ako ng mahigit pa sa tatlong beses sa isang araw. Dito ko napagtanto na sa kalagayan ng aking mga kababayan, wala na akong karapatang magreklamo pa.

Ang dokumentasyon ni Kara David ay tungkol sa malnutrisyong nararanasan ng mga kabataan sa ka-Bicolan. Ngunit, hindi lamang sa Bicol ito nagaganap. Ito ay laganap sa buong kapuluan. Ayon sa isang artikulo sa Philippine Daily Inquirer, sinasabi na halos 10,000 sanggol sa isang taon ang posibleng mamatay pagkaanak pa lamang dahil sa matnutrisyon. Mayroon pang mga datos na inilahad ang United Nations Children's Fund o UNICEF sa artikulong ito ng PDI. UNICEF raises alarm on malnutrition in RP, INQ7
Ang dokumentasyon naman ni Raffy Tima ay tungkol sa pagkasira ng 8th wonder of the world-ang Banue Rice Terraces. Ipinapakita dito ang unti-unting pagiging komersyalisado ng mga katutubo dahil na din sa hirap ng buhay. Nasasalamin din ito sa unti-unting pagkasira ng hagdan-hagdang palayan na pinagsikapang itayo ng ating mga ninuno. Kulang sa pondo mula sa gobyerno ang isa sa mga rason. Kung hindi agad-agarang maaaksyunan ang suliraning ito, baka mabalewala lang ang kagandahan at kabuhayang biyaya ng rice terraces.

Samantala, ang dokumentasyon ni Maki Pulido ay tumatalakay sa pagiging kenshusei o trainee ng mga Pilipino sa Japan. Ang mga kababayan nating ito ay nangingibang bansa para kahit papaano’y maiusad ang kanilang naghihikahos na buhay. Mahirap at masakit sa kalooban ng bawat magulang ang malayo sa kanilang mga pamilya, ngunit kailangan nila itong tiisin para buhayin ang kanilang mga anak na naghihintay ng kaginhawahan.








Sa tipo ng isang immersion, ipinakita ni Jay Taruc sa kanyang dokumentasyon kung gaano kahirap ang magutom sa loob lamang ng anim na araw. Nakisalamuha siya sa mga pamilya na walang kasiguraduhan kung may mailalaman sa kanilang mga sikmura sa mga oras na dadating. Napipilitang mamulot na lamang ng mga maaaring pantawid gutom sa maduming Manila Bay.


At ang huling dokumentasyon ay kay Sandra Aguinaldo kung saan ipinakita ang buhay ng mga pamilyang nabubuhay sa takot at walang kasiguraduhan. Sila ay ang mga pamilyang pumapalaot ang mga ama para buhayin ang mga asawa’t mga anak. Marami na ang mga amang hindi nakabalik sa kani-kanilang mga pamilya ngunit hindi na ito alintana ng mga mangingisda. Tanging dasal at pag-asang makarami ng huli ang baon nila sa kalawakan ng karagatan.

Ang mga ito ay ang katotohan sa likod ng mga pahayag na umuunlad na ang bansang Pilipinas. Nasaan na ang aksyon na sinasabi ng gobyerno? Kung talagang umuusad ang Pilipinas laban sa kahirapan, bakit marami pa din ang nagugutom? Bakit madami pa din ang namamatay dahil sa malnutrisyon? Ayon sa kawani ng I-Witness, walang direktang pagsagot mula sa gobyerno ang nangyayari matapos ipalabas mga dokumentaryong ito. Mas maraming pribadong indibidwal ang nagmamalasakit at tumutulong sa mga kababayan nating naghihikahos. Mas may simpatya pa sila kaysa sa mga taong iniluklok ng bayan at silang mas inaasahan ng sambayanan.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home