hide and seek
Ito ay istorya ng paglalaro ng lima kabataan ng tagu-taguan. lima batang may kanya-kanyang kakayahan. Ang larong ito ang nagsilbing pananggalang ng lima mula sa sari-sariling halimaw. Ito rin ang magtutulak sa kanila upang lumikha ng clone ng kanilang halimaw hanggang sa lamunin sila nito at maglaho ang dating ningning ng halakhak ng mumunting anghel.
I. “Uwian na, uwian na!”
“Ate Trina, limang pisong pishbol! Ay, kwatro na lang pala ate! Tsk tsk, nahulog pa yung piso,” sabay kamot sa ulo ni Jun-Jun.
“Ate, padagdag ng sows ha, halo-halo—suka, matamis, at maanghang! Swabe!,” sabay hagod sa lalamunang nanglilimahid sa pawis at pulbos na sing-itim na ng uling sa batok ni Noy.
“Naku, ayan na ang pirata!,” sabay pahid ng nagsusumigaw na pawis sa may patilya gamit ang manggas ng sana’y putting uniporme.
“Tol! Dating gawi!” bati ni Noy kay Jun-Jun sabay sakay sa tricycle na dinadrayb ng ama. Tanging tango habang nabubulunan sa tatlong pirasong pishbol na nagging sagot ni Jun-Jun.
II. “Broom broom broom!”
“Papa, alam mo ba, hindi ko talaga maintindihan si Mam Andaya. Sabi nya magdala ng family picture, yung buo ang pamilya. Dinala ko yung piktyur natin habang natutulog si mama sa putting kahon sa likod natin ni Nina, aba! Nagalit! Hindi daw yun family picture, sentimyento ni Noy habang iniikot ang tali ng trumpo. Ang ama nama’y patuloy lang sa pagtahak sa maalikabok na daan patungo sa kanilang bahay.
“Bakit pa, dahil hindi kita ang langit sa piktyur, hidi na yun family piktyur?”
III. “Paubos na, Paubos na!
“Ate, anim na lang siguro tong baso, malapit na maubos. Bilangin mo na yan para bili ulit tayo ng asukal at tang.”
“Kanina ka pa bilang ng bilang dyan. Nagmamadali ka nanaman!”
“Ate naman, biyernes ngayon eh!” hirit ni Portia.
“O sya sya, sige, mauna ka na. Ako na lang dito. Dadaan na din ako kina Lenlen. Hindi pa kasi sinosoli nun yung Romance Novels ko,” pagpapaubaya ng nakatatandaang kapatid.
Pagkalapag ng telang nakatali ang apat na dulo, hindi pa man lumalapat ang kalansing ng barya sa munting mesa, abot langit na ang natakbo ni Portia.
IV. “Wala sa likod, wala sa harap…”
Tuwing sasapit ang araw ng Biyernes, may apat na batang hindi magkamaliw ang mga paa sa pagkaripas patungong likod bahay nina Aldos. Hindi pa man nagpapahinga si haring araw, ayan na at binubulabog na ng magkakaibigan ang paparating nitong katahimikan.
Bagamat likod bahay lamang ito nina Aldos, sya pa din ang huling dumadating sa paraiso ng limang munting anghel.
“Pagkabilang ng sampu, nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo,” paumpisa ni Aldos.
Biglang maghahari ang katahimikan sa buong paraiso…
“Wala sa likod, wala sa harap…”
Unti-unting pumapaibabaw ang hagikgik ng apat na bubwit sa kani-kanilang lungga.
“Game?”
“Game!” sagot ni Noy.
Kung si Aldos ay walang absent sa pagiging late sa pagdating sa paraiso, ito namang si Noy ay walang mintis sa pagsagot ng “game” kung kaya’t agad na “Boom Noy! Save!” sigaw ni Aldos.
Sa paglalim ng gabi, siya ding pagtaas ng enerhiya ng mga bubwit. Mas malayo pa sa imahisyon ang kanilang nararating. Si Noy ang giya ng tawanan. Si Aldos naman ang punong tagapangasiwa sa nanunuyong lalamunan ng mga bubwit. Sina Portia at Nina ang awit ng hikbi mula sa pagkapikon sa asar ng mga bruskong kalaro. At si Jun-jun, kadalasang tahimik lang, ang gwardya ng grupo. Taga-sitsit kapag paparating na si Lolo upang sitahin sila sa paghingi ng walang permiso sa aratiles nito. Taga-“tama na” kapag may mumunting “ikaw kasi” at “andaya mo.”
V. Ang tricycle nina Noy
Ang magkapatid na Noy at Nina ay maagang naulila sa ina. Tanging ang amang si Joel ang natira sa buhay ng magkapatid. Si Joel at ang kanyang tricycle.
VI. Ang palamig ni Portia
Sabihin mang ordinaryo na ang sugarol na ama at labanderang ina, wala itong kaso kay Portia. Siya at ang kanyang ate, nagtitinda ng tang na may asukal at ilang gallon ng inigib na tubig. Nag-iipon para sa Romance Novel ng kanyang ate.
VII. Si Jun-Jun at ‘di mabuong limang pisong pishbol…
Sa araw araw, sampung piso ang baon ni Jun-Jun. Sapat na ito sa kanyang panglamang tiyan at panglamang pink na baboy. Dos kay pink na baboy, tres na palamig o di kaya’y ice tubig at limang pi… este kwatrong pishbol. Saktong sampung piso.
VIII. Sa harap ng likod ng bahay ni Aldos
Si Aldos ang lider ng grupo. Sya ang tag-isip ng bagong patakaran ng larong tagu-taguan. Siya ang kaisa-isang anak ni Aling Beth, isang biyuda na pinalad na maiwanan ng pension ng asawang sundalo sa Mindanao.
IX. Piggy bank
“Tweynti six, Tweynti seben, tweynti eight, tweynti nine…”
Patuloy sa pagbibilang si Lolo Tino. “Aba, nakadami pala ako ngayon. May pandagdag ako sa karton ko.”
“Lo! Uwi na kayo?” pahangos na tanong ni Jun-Jun.
“Pilyang bata toh!” Ano bang uwi? Saan?”
“Honga pala,” sabay kamot sa ulo. “Lo, bukas dun kayo sa may likod ng iskul pumwesto. Isasara kasi yang gate dyan. Pipintahan ata.”
“O sige, salamat iho,” mapagtalimang sagot ng matanda.
Sumunod na ang yabag ni Jun-Jun na biglang naudlot, pumihit pabalik kay Lolo Tino. Tanging ang kalansing ng piso ang narinig ng matanda at ang yabag papalayo muli ni Jun-Jun, patungong pishbolan.
X. Para kay Jun-Jun
Si Jun-Jun ay nag-iisang anak ni Mona, isang dating serbedora sa isang restawran sa kanto ng kanilang baryo. Dahil sa hindi sinasadyang pagsadya ng bata, ayun, ang kawawang Mona, pinalayas ng among babae, kasama ang isang pagkakamali—si Jun-Jun.
Lumaki si Jun-Jun sa buong pagkalinga ni Mona. Taliwas sa ibang pagkakamali, hindi sya pinagbuhatan ng kamay ni Mona. Ni minsan, hindi niya ito sinabihan na, “ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito. Malas ka sa buhay ko!” Walang ganitong linyang maririnig sa bahay nina Jun-Jun. May pagkalinga, pero walang kahit na anong salita mula sa ina. Lumaki siya sa isang piping pagkalinga.
XI. Get one-half sheet of paper, lengthwise!
Napakamot na lang si Noy nang mag-number ten na ay wala pa din syang nasusulat kundi 1–10. BLANGKO.
Halos tuwing may quiz, ganito ang eksena sa munting sulok ni Noy. May pagkakataon namang nakakapuntos,.. kapag art class.
Ala-singko ng hapon ay maingay na nangungulit si Nina sa amang si Joel habang hinihintay ang panganay na si Noy. Nakaangkas si Nina sa harap ng tricycle nila. Ganito ang madalas na eksena ng pamilya. Si Nina, kumakanta o di kaya’y nagpapabili ng paper doll, si Noy sa loob ng tricycle, nagtatali ng trompo o di kaya’y nirereklamo si Mam Andaya, at si Joel, tulala at nasa ibang dimension.
XII. Cliché but true
Gabi-gabing lasing ang ama ni Portia at ang kanyang ate habang ang ina ay dumadaing ng pananakit ng katawan. Pag-uwi ng ama, maghahanap ng makakain at magwawala kapag walang mahalungkat. Ang magkapatid, napapatalon sa gulat habang nagbabagsakan ang mga gamit sa bahay. Ang ina, nasa isang sulok, patuloy ang paghagod sa mga brasong niluti ng sabon at chlorox, tumitiim ang pagkaawa sa sariling pamilya.
XIII. Gifted child
Sa kanilang lima, si Aldos ang pinakamaswerte. Bagamat wala nang ama’y iniwanan naman siya at ang kanyang mommy ng maayos na matitirhan. Miyembro ng military ang ama ni Aldos. Humigit kumulang sa dalawampu’t limang taon ang pagsisilbi nito sa gobyerno at sa sambayanang Pilipino. Bilang isang matapat na tagapaglingkod, tinunton nya ang Mindanao at doon isinabuhay ang sinumpang tungkulin sa bayan. Mula sa isang linggong engkwentro, nakatanggap ng tawag si Aldos at ang kanyang ina mula sa kanyang ama. Pinapupunta sila sa Davao at doon sila magkikita para sa tatlong araw na bakasyon. Matapos makapag-empake ng gamit, ipinamalita pa ni Aldos sa kanyang mga kalaro ang pagbabakasyon nila at mariing iniggit ang mga ito.
Bakas ang tuwa sa ama ni Aldos nang Makita ang kanyang mag-ina. Walang inaksayang oras ang buong pamilya. Bawat minuto ay sinulit at siniguradong masaya ang bawat isa.
Tumagal ang ganitong bakasyon ng kanyang mag-anak. Minsan sa isang taon, nagpupunta silang Davao o Cebu o Guimaras. Kinalakihan na ito ni Aldos. Ngunit nang nagpaplano ang mag-ina na surpresahin ang ama sa Mindanao para sa kaarawan nito, isang balita ang sumira sa kanilang kasabikan. Umaga ng araw na yon, nag-aalmusal ang ama ni Aldos kasama ang tatlo pang military nang biglang may mag-amok sa restawran. Isang nawala sa sariling katinuan ay nagwasiwas ng kanyang itak at aksidenteng nabitawan ito sa tangke ng gas sa kusina kung saan, nakasandal ang ama ni Aldos. Dead on arrival ito. Bilang gantimpala mula sa gobyerno, binigyan ng sapat na pera ang naulila ng military upang makapagsimulang muli. Nakapagpatayo sila ng bahay at nagsimula ng maliit na sari-sari store. Ito na ang bumuhay sa mag-ina. Nakayaman iyong ipinagkaloob ng pamahalaan sa mga military dahil sila ay itinituring na alas ng Pilipinas. Mas may magagawa ang kanilang baril para sa bayan kaysa sa aklat at dunong na nahuhulma sa silid aralan.
XIV. Kabilugan ng buwan lalabas ang…
“…aswang, wala sa likod, wala sa harap,” patuloy ang pag-awit ni Portia sa bagot na bagot na dahil pangatlong beses na syang natataya.
“walo, syam.. syam at kalahati, sampu! Game?”
“Game!” sigaw ni Noy na noon ay nasa likod lang ng bakod na pinagsusubsuban ni Portia.
Lumalalim ang gabi at patuloy ang paglalaro ng magkakaibigan. Punong-puno ng tawanan ang buong kapaligiran. Maya-maya pa ay nagging tampulan ng biruan si Noy. Hindi maikaila na mahina talaga ang pick-up ni Noy. Medyo nahuhuli siya sa kanilang klase. Madali rin syang linlangin. Ngunit dahil sa kakulangan ng atensyon mula sa mga guro at samahan pa ng kakulangan sa libro at material na pang edukasyon, nagging mahirap para kay Noy ang paglago bilang isang estudyante.
Sa mga ganitong pagkakataon, lagging pumapaibabaw si Aldos sa biruan. Madalas, nagiging kakampi ng lahat si Noy at naiiwang alaskador si Aldos. Sya lang ang may ibubuga para mang-alaska sa kanilang lahat. Ngunit hindi naman natatapos ang kanilang paglalaro na hindi nagkakabati ang bawat isa.
Iniinda lamang ni Noy ang latay na idinudulot sa kanya ng pang-aasar ni Aldos. Dahil dito, isanasaisang tabi niya ang sakit ng bawat panlalait nito dahil kapag kasama naman niya ang mga ito, nagiging masaya sya kahit papano. Maging sina Portia, Jun-Jun, at Nina ay nagpapatirapa na lang kay Aldos para maging maayos ang lahat. Alam nilang lumalagpas na paminsan-minsan si Aldos sa pagiging lider nila pero ayos lang sa kanila para na lang walang away at para hindi sila maaway ng husto ni Aldos.
XV. …isa, dalawa… sampu!
Isang gabi, hindi nagustuhan ni Aldos ang sunod-sunod nyang pagkataya. Nang makahanap ng pagkakataon, umimbento sya ng laro kung saan, hindi na sya matataya. Ginamit nya ang pagkalider. Dahil sa mahina si Noy, sya ang kadalasang na-a-out at natataya. Bilang parusa sa out, binibigyan sya ng utos. Naging makapangyarihan si Aldos. Inutusan nya si Noy na umakyat sa puno ng mangga at ikuha sila ng napakaraming bunga nito. Habang umaakyat, inutusan ni Aldos sina Portia, Jun-Jun, at Nina na magtago. Nang mapansin ni Noy na wala na ang mga kalaro, dali-dali syang bumaba ng puno. Naipit ang paa niya sa isang sanga at nahulog sa puno. Habang tinitiis ang sakit, hinahanap nya ang mga kalaro. Sa pagsuot niya sa damuhan, kung saan naaninag nya ang kapatid na si Nina, napansin nya ang isang ahas na nakaakmang tuklawin ang kapatid. Hinila nya ito upang mapalayo kay Nina. Ngunit, sa kasamaang palad, nabagok ang ulo nya sa bato at sa pagkakahila nya sa ahas, sya ang natuklaw nito.
PROLOGUE
Maraming Pilipino ang nakakaalam sa problema ng bayan. Ngunit, para makaiwas sa gulo, nagbubulag-bulagan na lamang ang mga ito at tinitiis ang hirap na dulot ng mapang-abusong “lider” ng lipunan. Sa tagal ng pagbubulag-bulagang ito, unti-unti nang nagiging manhid ang sambayanan. Hindinatin kailangan ng geneal anaesthesia laban sa mapanakit na lipunan. Pagkilos at dunong ang susi sa magandang bukas. Papagyamanin ay silid aralan at kumilos ng may batayan.
Alamin ang priyoridad. Saan ka tutungo Pilipinas?